Thursday, July 06, 2006

PANGARAP KONG MAGING ISANG GURO

Maraming nagtataka kung bakit pagtuturo ang napili kong propesyon.Sabi nga nila, walang pera sa pagtuturo. Kung meron man, hindi mo ito ikakayaman. Sasakit lang daw ang ulo mo sa mga pasaway na estudyante, sa paggawa ng lesson plan araw-araw, sa pagtuturo sa mga gusto at ayaw matuto at kung anu-ano pang problema na maaari mong isipin sa buhay ng isang guro.

Pero naisip mo na ba kung bakit meron pa ring ibang tao na nagpipilit at nagtiya-tiyagang nagpapakadalubhasa upang maging isang ganap, mahusay hinahangaan at respetadong guro? Ito ang ilang dahilan ko kung bakit:
Una, dahil gusto nyang makatulong sa bansa. Gusto nyang maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng pagtuturo ng walang inaasahang kapalit o bayad. Gaya ko. Masaya na sila kahit ga-bundok ang nilalakad araw-araw, maaksidente paminsan-minsan at magsakripisyo ng sariling kasiyahan at buhay makapagturo lamang sa mga estudyanteng nakatira sa bundok na nagnanais matuto. Gaya ko. Ikalawa, dahil nasa lahi, angkan o dugo nila ang pagtuturo. Kahit anong gawin nilang pag-iwas o pagtanggi, sa pagtuturo pa rin sila napupunta. Hindi natalo ng isip ang lakas ng puso. Tawag nga daw ng kalikasan. Ikatlo, biyaya ng Diyos. Masasabi kong "biyaya" sapagkat hindi lahat ng tao ay nakakapagturo ng natural. Kunbaga, kahit hindi niya pansin ay nakakapagturo siya ng maganda at maayos sa kabila ng pagtanggi niya nito. At iba kasi pag galing sa puso.

Itinuturing kong bagong bayani ang mga guro. Bakit? Sapagkat sa guro nakasalalay ang mga buhay at pangarap ng mga batang ipinagkatiwala sa kanila ng mga umaasang magulang. Sa guro nakasalalay kung ilan sa mga tinuturuan niya ang mamumuno ng bansa, papatay ng tao, magiging artista, makakadiskubre ng gamot sa aids, magiging illegal recruiter,magiging tycoon o magiging isa na namang guro. Ang alam kong pinagkaiba nila sa OFW ay hindi sila kumiita ng dolyar at hindi rin masyadong demand sa ibang bansa. Gaya ng nauna kong nasabi, walang pera sa pagtuturo. Meron man hindi mo ito ikakayaman ika nga ni Bob Ong.

Pero alam mo, hindi ako apektado kung gaano kahirap ang buhay ng isang guro. Hindi ko alintana kung hindi masyadong malaki ang pera sa pagtuturo. Hindi ko habol yun. Wala rin akong pakialam kung tatlong bundok ang lakarin ko araw-araw. Ok nga yun eh. May excitement. May thrill. Hindi ko rin alintana kung maaksidente ako at magsakripisyo ng sariling buhay at kasiyahan matupad ko lang ang akin pangarap. Ang maging isang mahusay na guro. Sa mata ng mga mag-aaral. Sa mata ng mga magulang. Sa mata ng mamamayan.

Kaya para sa akin, masaya at masarap maging isang guro. Nagbabahagi ka na ng iyong kaalaman, may natutunan ka pang bago sa tinuturuan mo. Matututunan mong humarap sa ibat-ibang klase ng tao. Mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas. Matututunan mong magpahaba ng pasensya na siyang kailangan. Matututunan mo kung paano rumespeto at dumisiplina ng sarili at ng ibang tao na lalo mong kailangan. Matututunan mong magsakripisyo alang-alang sa ibang tao. Matututunan mong makinig sa problema at payo ng iba at gawan ito nang solusyon pa sayo at sa ibang tao.

HANGGANG DITO NA LAMANG PO AT MARAMING SALAMAT.

"... ang pagtuturo na ang pinaka sagradong propesyon. Ilang taon matapos matuto maglakad ang bata, ipinapasok ma ito sa eskwelahan at iniiwan sa pangangalaga ng teacher..." - Bob Ong